Nakakalokong sa gabi mismo na ngumiti ang langit nung December 1 ay siya namang pagbagsak ng mga luha ko habang nanonood ng Games Uplate Live. Hindi nakakaiyak ang palabas dahil sa tagal ng pinapanood ko iyon ay hindi naman na-reformat ang show para maging drama. Gameshow iyon para sa mga may insomnia.
Hindi ko alam kung bakit basta na lang ako naluha. Hindi ko naman maituring na pag-iyak 'yon dahil hindi ako nahikbi. Magkaiba ang naluha sa umiyak. Pero matagal-tagal na pala mula ng huli akong maiyak. 'Yung huli kasi matindihang atungal ang ginawa ko. Kaya pagkatapos ay gumaan agad ang pakiramdam ko. At 'pag gising mugtung-mugto na ang mga mata ko at pakiramdam ko ay antok na antok ako buong maghapon at tila in-stapler-an ang mga talukap ng mga mata ko.
Pero ilang taon na ang nakalilipas mula noon. At ilang panahon na rin ang lumipas na sa tuwing pagod na pagod na ako, basta na lang pumapatak ang luha ko ng walang ka-strain-strain sa mga pupil at walang ka sound-sound. Para lang umaarte sa harap ng camera na magaling pa kaysa kay Coco Martin.
Kadalasan sa tuwing nanonood ako ng Games Uplate Live. Hindi ko talaga maiwasang magduda na pinapalitan nila ang mga sagot. Pero patuloy lang ako sa panonood dahil sabi ni Jaymee Joaquin ay monitored naman daw ng DTI Representative ang game mechanics pati ang pagtawag sa mga downloader na tatatawagan. Sumali ako noon ng ilang beses pero itinigil ko rin dahil alam ko na noon pa man na wala akong suwerte pagdating sa larangan na iyon. Pinagbigyan ko lang naman kasi ang panawagan ni Jaymee.
Risk-taker ako to the extreme at madami-dami na din akong sinugalan at ipinaglaban sa buhay ko hanggang sa huling minuto ng laban. Pero sa totoo lang, nagtatapang-tapangan lang naman ako at nasasaktan din ako bandang huli.
Sa mga nagdaang episode ng Games Uplate Live, habang nagho-host si Jaymee Joaquin, nasabi niya na: "When you're down, there's no way but to get up." Tumatak sa isip ko ang sinabi niyang iyon. Alangan naman kasing bumagsak ka na ay lalo mo pang idadapa ang sarili mo. Pero sa totoo lang din, ang hirap kayang gawin niyon.
Pero may isang scientist yata ang sumasalungat sa panginoon kong si Jaymee Joaquin, hindi ko nga lang alam kung sino iyon basta ang sabi niya daw: "What comes up must go down."
At sa nakakaloko din pangyayari gaya ng pagpatak ng luha ko. Nais ko din sumang-ayon sa siyentipikong iyon. Sa kadahilanang parang minsan sa buhay ko naranasan ko din iyon.
-jhayYz
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment